Category Archives: Dedications

Today’s Insights

Ngayon ko na kahit papaano naiintindihan kung bakit may sariling opisina ang mga matataas na tao, at kung bakit madalas itong enclosed o kung hindi naman ay nasa isang tahimik na sulok.

Ang hirap din palang may masyadong malapit sa iyo, na sa sobrang lapit ay hindi na marunong dumistansya. Ang hirap kasi lahat na lang ay irereklamo sa iyo, tapos minsan pa ay ipagduduldulan pa ang pagkakamali mo.

Siguro nga ganyan talaga sa opisina. Kaya sigurosurvival of the fittestdin kasi sobra-sobra angpressure. At kaya siguro nagagawa rin ng mga tao ang tulad nito dahil sa sobrang pagod at kaepalan ng mga katrabaho’t trabaho nila.

Isa sa mga ayaw ko ay yung mga taong mahilig mang-circumvent ng authority. Nakakainis kasi kaya nga may protocols ay para sundin. Nakakainis lang kung hindi marunong sumunod ang mga tao rito. Tapos samahan mo pa ng pagiging sobrang makulit at masungit. Nakakainis talaga.

Pero mukhang ganun talaga ang buhay: maraming epal at marami ring nagpapa-epal. Nakakainis lang na may mga nakakasalamuha akong ganoon.

Hay, buhay.

 

Advertisements

Mag-iwan ng puna

Filed under Dedications, Open Letters

Human Relations

Human relations: pakikitungo sa kapwa.

Isa sa mga pang-araw-araw na inuunawa ng mga tao sa buong mundo. Hindi lang ng mga may pera’t trabaho: ang simpleng pag-uusap sa gilid ng kalye ay naglalaman nito. Maaari nating sabihing ito ang nagdidikta ng halos lahat ng gawain ng tao (maliban siguro sa mga emo).

Ngunit madalas, ito rin ang nakakalimutang isaalang-alang ng mga tao sa kanilang pakikisalamuha sa kapwa nila sa araw-araw.

Mukhang inherent nga sa tao ang kagustuhang makontrol ang mga nasa paligid niya. Gusto niyang kontrolin ang kalikasan, kaya mayroong mga lungsod, bukirin at minahan. Gusto niyang makontrol ang ekonomiya, kaya may pera. At gusto niya ring kontrolin ang mga taong nasa paligid niya, kaya may gobyerno’t social class.

Wala naman talagang masama, para sa akin, sa paghahangad ng kapangyarihan. Tutal marami namang nagawang mga kabutihan dahil dito. Sana nga lang ay isinasaalang-alang pa rin ang pakikipagkapwa-tao sa bawat desisyon.

Sa lahat ng ayaw ko ay yung dinidiktahan ako. Hindi naman ako ganon ka-conceited na ayaw sumunod sa hiling ng iba, ngunit sana naman ay idaan sa tamang paraan. Ayaw ko rin yung pinamumukha sa akin na hindi ko ginagawa ang mga dapat kong gawin kung di naman totoo, lalo na kung alam ko namang wala ring ginagawa yung mga iyon kundi magwala.

Parang sabi nga ni Ted Failon sa umaga, may mga “taong naghahangad ng pagbabago, samantalang sila naman ay walang pagbabago”. Hindi ko sinasabi na santo ako na hindi nagkakamali; baka nga sa larangan ng pagkakamali ay mataas ang grado ko. Kaya nga hindi ko makasundo ang mga moralista, lalo na yung sa tingin nila ay ang linis linis nila ngunit konting tingin lang ay may makikita kang echas.

Isa rin sa mga kinaiinisan ko, kung di man kinagagalitan, ay yung mga taong gusto nilang sila ang pinakikisamahan kaysa sa sila ang makisama. Hindi ko sinasabing pag may nag-aya na mag-drugs ay sasama ka na. Mahahalata naman sa isang tao kung totoong nakikisama siya sa nagkukunwari lang sa mga sadyang makapal ang mukha. Ang kaso nga lang, kaunti lang ang nakakahalata nito.

Ewan. Mukhang pagbabago nga lang talaga ang permanente sa mundo. Sana nga sa paglipas ng panahon ay magbago ang mga taong ito sa pamamaraang makakapagpabawas, at hindi makakapagparami, ng mga epal sa mundo. Kaso mukhang mayroon din silang law of supply and demand, kaya sadyang hindi mawawala ang ganito kahit gaano pa mang katagal na panahon ang lumipas.

Grabe lang talaga; napakagulo ng salaysay na ito.

Mag-iwan ng puna

Filed under Dedications, Open Letters

Sulat para kay LPA

Note: Ipinaskil ko ito sa Facebook kagabi, Sabado, Oktubre 08, 2011, 23:23 (ayon kay Facebook). Ito ang orihinal na post.

Dear LPA,

Malayo ka pa naman sa Pilipinas, di ba? Alam kong mahilig ka sa tubig, kaya naman sulitin mo na muna ang stay mo riyan.

Pero alam kong hindi ka forever nandiyan, dahil may appointment ka. Ewan ko lang kung saan, basta mayroon. Basically, ikaw lang ang nakakaalam ng itenerary mo.

Sa tingin ko naman, very flexible ang iteneraries ng mga katulad mo. Kaya naman kung ayos lang sa iyo, magbibigay ako ng proposed schedule mo para sa mga susunod na araw:

1. Sa Linggo, ganap ka nang bagyo, papasok sa PAR.
2. Sa Lunes, lalapag ka rito. Pero huwag sana sa mga lugar na dinaanan ni Pedring, kasi sa sobrang inis niya, sinira niya ang mga lugar na iyon. Pero dumaan ka pa rin sa banda ng Maynila, para naman lumamig dito. Siguraduhin mo lang na malalaman ka namin na narito ka na talaga, para naman mapaghandaan namin ng lubos ang iyong pagdating.
3. Sa Martes, palabas ka na ng bansa. Bisita ka na rin siguro sa banda ng Batanes. Wala lang, para maiba naman.
4. Sa Miyerkules, nasa banda ka na ng Taiwan, papuntang China.

Ayun lang. Enjoy your trip.

Nagmamahal,
Isang taong maraming exam sa Martes.

Mag-iwan ng puna

Filed under Dedications, Open Letters

WTC Day: Whatever.

Ngayon ay ang araw na ginugunita ng Amerika ang pag-atake ng mga terorista sa WTC noong 2001 nang araw ding ito. Dito pinabagsak ng mga terorista gamit ang tatlong eroplano ang dalawang gusali ng WTC sa New York. Ito rin ang naging excuse ni Bush upang giyerahin at guluhin ang buhay ng mga tao sa Iraq at Afghanistan upang mapatay raw ang mga sangkot sa pag-atakeng ito sa isa sa mga pinakamakapangyarihang bansa sa mundo sa kapanahunan natin ngayon.

Kaya naman nakakainis makinig ng radyo ngayon. At ganoon din siguro ang mararamdaman ko kapag kaharap ko ang TV.

Naiinis ako hindi dahil sa ginawa ng mga terorista ngayong araw na ito sa Amerika (kawawa daw sila), ngunit dahil sa sobrang emphasis ng media ngayon sa araw na ito. Oo, naapektuhan ang buong mundo. Oo, nagbago ang mukha ng terorismo. Oo, nagkaroon ng giyera sa modernong panahon. Pero kung titingnan mo, ano naman para sa ating mga Pilipino? Umunlad ba ang Pilipinas dahil dito? Tumaas ba ang bilang ng trabaho at budget ng UP at SUCs noong nangyari ito? Natanggal ba sa puwesto si GMA noong Setyembre 11, 2001? Hindi naman, ‘di ba? Sa katunayan nga, puro negatibo lang ang sagot sa mga katanungang ito.

Naiintindihan ko naman na, malamang, big deal ito sa mga Amerikano, kasi bansa, ekonimiya at mga gusali nila iyon. Medyo big deal din ito sa mga OFWs na naroon nang mga araw na iyon, dahil kahit papaano’y nasangkot din sila at ang kanilang mga pamilya’t kamag-anak. Pero sa ordinaryong Pilipinong hindi makahanap ng trabaho dahil sa sobrang taas ng mga kwalipikasyong hinihingi ng mga kumpanya sa kanya, o ‘di kaya’y kay manong tsuper na naiirita sa lingguhang pagtaas ng presyo ng gasolina, o kaya naman sa isang estudyanteng namomroblema kung matatapos ba niya ang thesis niya o hindi, kailangan pa ba nilang masyadong dibdibin ito?

Bakit, concerned ba sila na dito sa Pilipinas ay maraming taong nagugutom at walang tirahan? Iniisip din ba nila ang giyera sa Mindanao? (Oo siguro; laking epal nila roon.) Tumugon (at tumutugon) ba sila sa hiling ng sandamakmak na taong pinapaalis ang mga base militar nila sa kung saan-saang panig ng Pilipinas nakatayo? Willing din ba silang tulungan ang Pilipinas sa pagbabayad ng utang-panlabas natin? Hindi naman, ‘di ba?

Siguro nga, unfair din na kebs lang tayo sa araw na ito, dahil medyo malagim din nga naman ang nangyari. At kahit papaano naman, natuwa rin ako noong pinapanood ko sa YouTube ang pagbagsak ng mga gusaling nabanggit taken at different angles; astig kasi ng mga kuha. Pero kung ito na lang ang magiging centerfold ng bawat pahayagan sa bansa nati’t main report sa telebisyo’t radyo, e mukhang may mali na ata. Bakit, para sa mga Pinoy ba, mas mahalaga ba ang pangyayaring ito kaysa sa bagong bagyong inaasahang papasok ngayong gabi? Mas mahalaga pa ba ito kaysa sa isyu ng pork barrel ng mga politikong napapaniwala tayong nagtatrabaho sila? Mas karapat-dapat pa ba ito kaysa sa ulat-trapiko sa lungsod ng Quezon? Mas importante pa ba ito kaysa sa mga landi moments ni Kris Aquino araw-araw sa TV? Siguro, alam na nating ‘hindi’ ang sagot sa mga katanungang ito.

Iyan din kasi ang hirap sa ating mga Pilipino: masyado tayong nasisilaw sa “greatness” ng Amerika. Weird lang, kasi wala namang ganyang masyadong nararamdaman ang mga Pilipino pagdating sa mga Kastila’t Hapon. Ni ultimo nga ata sa sariling kakayanan ng mga tao rito, wala na rin. (May dalawa akong kakilalang hindi proud maging Pilipino. Iyong isa, dakilang epal; iyong isa, social norms ang ayaw niya (medyo reasonable naman). Yung sa nauna, bahala siya sa buhay niya; sa ikalawa, 50-50 ako.)

Masyado natin silang iniisip; ginagatasan naman nila tayo sa pamamagitan ng ating natural resources. Ang galing lang.

Sabagay, hindi na rin natin siguro masisisi ang media; kailangan nila ng matataas na ratings kaya pumapatol sila sa mga kalokohang tulad nito. Noong nakaraang buwan ng lang, pinagtripan si Christopher Lao. Benta nga siya. Yun nga lang, Pilipino rin mismo ang sinisiraan, kaya siguro mas bumenta.

Pansin niyo, ang hilig tayong siraan ng ibang bansa, pero hindi naman natin sila masiraan? Oo, nagagalit tayo, pero hanggang doon lang. Hanggang demands of public apology. Samantalang ang Spratly, inaangkin na ng China, wala tayong (masyadong) magawa. Ang corny naman.

Ewan. Minsan talaga hindi mo na rin alam kung sino ang may pakana’t dapat sisihin: ang gobyerno ba, ang ibang bansa, o tayo na rin mismo. Pangit lang kasi sa atin, hanggang sisihan lang, wala namang umaaksyon para masagot ang (mga) isyung nagpasimuno ng sisihan.

Ay basta. Sa mga Amerikano: sige lang, i-enjoy niyo ang araw na ito. Sa atin namang mga Pilipino: huwag masyadong seryosohin. Una, hindi pa naman tayo ganoon ka-sikat, ‘di ba? Ikalawa, wala pa namang masyadong mapapala ang mga terorista sa atin, kaya naman kung atakihin man nila tayo, ano naman? At tsaka, wala pa tayong gusaling kasing-taas ng WTC. LOLz lang sa mga gustong magpabagsak ng building. Ikatlo, mas marami pang mas mahalagang isyu kaysa rito, tulad na lamang ng RH Bill na sabi ng simbahan ay naapi raw sila (epal lang talaga), at kung magkakatuluyan ba sina at.

Ang saya talaga sa bansa natin. Ang daming fluff na iniisip ng mga tao.

1 Puna

Filed under Dedications, Events

To all new RNs: おめでとう!

Kahapon, inilabas na rin ng PRC (sa wakas!) ang resulta ng 2011 Nursing board exam. Marami ang natuwa, at siyempre, mayroon ding mga nalungkot.

Hindi ako BS Nursing student, ngunit isa rin ako sa mga medyo na-excite (na-arouse?) nang mabalitaan kong lumabas na ang resulta, dahil mayroon akong kaibigang BS Nursing. Kaya naman kahit nagco-code ako kahapon, inabangan ko pa rin siya.

Para sa mga hindi pa nakakita kahapon, ito ang website kung saan makikita ang resulta: http://nle-nursingexamresult.blogspot.com/

<In a BS CS perspective>

Ang mga puna ko sa site na ito:

  1. Ang link ng resulta. Blogspot?! Bakit andiyan?! Hindi ko rin alam, ngunit ewan ko sa PRC. Pero mukhang ito ang opisyal na blog ng PRC. Ewan.
  2. Ang bano ng layout niyo! Xet lang, nakakainis. Parang hindi pinag-isipan, o designed atang pahirapan ang mambabasa para hanapin ang mga bagay bagay. O baka naman pang-IE lang ito; kung gayon, isara niyo na lang at ipaskil ang resulta sa mga diyaryo, tulad ng ginagawa ng UP sa resulta ng UPCAT. Pa-website website pa kayo, hindi niyo naman alam i-maintain. E mas matino pa ata ang blog na ito kaysa sa inyo.
  3. Ang bano ng color schemes! Xet lang. Tulad ng nasa itaas.

</In a BS CS prespective>

Sa kabila ng isang banong website ng isa umanong credible na organisasyon, para sa lahat ng bagong RNs, ito lang ang masasabi ko: おめでとう! Sana pagbutihin niyo ang inyong mga trabaho, at hindi maenganyong kumuha ng lagay o mag-abroad (kailangan namin kayo rito!), o ‘di kaya nama’y pagtripan ang isang taong walang malay sa ER dahil sa may canister na nakasuksok ka kanyang puwitan.

Good luck, and God bless sa paghahanap ng mapapasukan. 🙂

Trivia:

  1. Ang ibig sabihin ng RN ay Registered Nurse. Kanina ko lang din nalaman; may angal ba?
  2. Ang ibig sabihin ng おめでとう! ay congratulations!. Nihongo iyan. Ngayon mo lang nalaman; umagal ba ako?
  3. Nakapasa ang kaibigan ko sa eksamen na ito. おめでとう、バカドルさん! (Congratulations, Mr. Bajador!) Yayaman ka na. 🙂

Mag-iwan ng puna

Filed under Dedications, Events

Murang Yellow Pad

Bihira akong mag-endorso ng produkto. Ginagawa ko lang siguro ito kung may nagtatanong sa akin, o kung may nakatuwaan ako. Kaya naman ang suwerte ng produktong pag-uusapan natin ngayon, dahil masasabing first time na sobrang natuwa ako’t kailangan ko siyang gawan ng blog entry. (Sa totoo lang hindi ito ang kauna-unahang produktong ginawan ko ng blog entry; nauna ang Linux sa anyo ng mga testimonials at reviews.)

Isa sa mga popular na school supplies, lalo na sa mga nagko-kolehiyo, ang yellow pad. Ito ang replacement sa kolehiyo ng intermediate pad na ginagamit madalas sa high school, na replacement din ng Grade n pads na ginagamit ng mga Grade 4 pababa. (Sa mga hindi pa rin naka-gets, Grade n siya kasi mayroong Grade 4, Grade 3, Grade 2, at Grade 1 na mga papel. Mayroon pa nga yatang mas “mababa” para sa mga nasa kinder.) Ito rin ang ginagamit sa mga love letters kung walang stationary, at ito rin ang papel na palaging hawak ni Charo Santos sa Maalaala Mo Kaya.

Kahit na medyo mataas-taas naman ang demand, mas mahal ang papel na ito kumpara sa ibang klase ng papel, tulad ng coupon bond at ng nabanggit nang intermediate pad. (Hindi ko alam kung bakit, pero puwede rin namang sadyang mahal talaga ang produksyon nito (kasi may kulay’t mas malaki ang surface area nito kumpara sa coupon bond at intermediate pad), o sadyang kailangang malaki dapat ang kita ng mga kumpanyang gumagawa nito.) Base sa mga nakita ko nang brands nito sa mga malls, masasabi kong nasa ₱40 ang mean price with a standard dev of, siguro, ₱1. 80 leaves ang bawat pad.

Kaya naman laking tuwa ko nang makita kong makakabili na ako ng nasabing produkto sa halagang ₱18 (as of writing).

Base sa nakalagay sa likod ng papel, ito ay inilalako ng kumpanyang Pines Paper Products Corportation na nasa Baesa, Quezon City. Hindi ko alam kung saan iyon, basta ang alam ko lang ay malapit (siguro) sa UPD. Nabili ko ang papel sa National Bookstore sa banda ng Delta, malapit sa opisina ng BIR.

Economy Yellow Pad

Economy Yellow Pad, likod

(Pasensya na sa mga imahe; bano ang camera ng MP4 player ko.)

Economy Yellow Pad ang pangalan ng produkto. 80 leaves, tulad ng sa iba. Standard din ang sukat, nasa 8.5in x 13in. At tulad ng nasabi na kanina, napakamura: ₱18 ang isa.

Economy Yellow Pad

Economy Yellow Pad manufacturer

Economy Yellow Pad

Economy Yellow Pad, harap

Mukhang ayos naman, ngunit hindi ito para sa lahat. Una, mukha siyang Manila paper na ginawang yellow pad. Sabagay parehas naman silang dilaw, ngunit alam naman nating lahat kung ano ang Manila paper: hindi siya ganoon kaganda kumpara sa writing pad. At tsaka manipis siya, di tulad ng iba na medyo makapal.

Economy Yellow Pad

Economy Yellow Pad against flourescent lamp light

Mukha rin siyang gawa sa recycled paper (hindi ito nakalagay sa likod ng papel; hinuha ko lang ito), na makakapagpaliwanag kung bakit napakamura ng papel kumpara sa iba (maliban pa sa nasa siyudad ng Quezon ang kumpanya, tulad nang nasabi na sa itaas). Pero para sa akin, mas tatangkilikin ko pa ang papel na ito kung gawa nga ito sa recycled paper kaysa sa tinatawag nilang virgin pulp.

Bakit ka niyo ko tatangkilikin ang papel na ito kung medyo hindi naman quality tulad ng iba? Una, scratch paper ko lang ang yellow pad, kaya naman wala akong rasong mag-inarte ukol sa kalidad nito. Hindi ako mayaman, pero napagtanto ko (at ng iba na rin siguro) na mas magandang mag-aral sa isang malinis na piraso ng yellow pad kaysa sa isang malinis na espasyo sa scratch paper, lalo na kung ika’y sumasagot ng Calculus at Statistics problems. Ikalawa, Computer Science ang kurso ko, kaya naman hindi ko masyadong kailangan ng papel para gumawa ng mga bagay-bagay. At kung kailangan ko mang magpasa ng paperwork, malamang na naka-print ito sa A4 paper, o di kaya’y ipapasa ko na lang ang nasabing gawa na naka-PDF sa pamamagitan ng email.

Kaya naman sa mga taong nangangailangan ng murang yellow pad o sadyang kuripot gaya ko, bili na kayo ng Economy Yellow Pad. Tandaang nabili ko ito sa National Bookstore (na kilala ring manininda ng mga abot-kayang kagamitan sa mas mahal na halaga), kaya naman baka mabili niyo ito ng mas mura sa iba. Ngunit hindi ko ito nirerekomenda sa mga ilitista o sa mga taong mas gusto ang mas may quality na papel, kahit na gagamitin lang nila ang lahat ng pahina bilang scratch. Sa kaso nila, ibang papel na lang ang bilhin nila.

 

P.S.: Huwag kayong mag-alala, dahil hindi naman ako masyadong magastos sa paggamit ng papel, at nire-recycle ko rin naman ito kahit papaano, at binebenta sa Trash to Cash ang mga gamit nang mga piraso.

1 Puna

Filed under Dedications, Endorsement, reviews

UPCAT

It is the offial seal of the UNIVERSITY OF THE...

Image via Wikipedia

Ang UP (Unibersidad ng Pilipinas sa Filipino, University of the Philippines sa Ingles, Universitas Philippinarum sa Latin, at Unibersidad ti Pilipinas sa Ilokano) ang nag-iisang national university ng Pilipinas. Ito ang rurok ng edukasyong Pilipino (siyempre, hindi sang-ayon ang Ateneo, La Salle, at lalo na ang UST na mahilig makiepal dahil mayroon daw big four, at sila iyong pang-apat (, at ang kaibigan kong galing MIT (Mapua Institute of Technology) na CE ngayon dito), kaya naman isang karangalan  (lalo na kung mahirap lang ang pamilya niyo) ang makapag-aral dito. Medyo madali ring makahanap ng trabaho ang mga mag-aaral ng nasabing unibersidad (dahil mismong mga kumpanya ang lumalapit dito at naghahanap ng mapipirata), at kadalasa’y matatagumpay ang mga taong nag-aral dito sa kani-kanilang mga career(s). At ang UPCAT (anong ibig sabihin nito?) ay ang isa sa mga daan (ano pa ang iba?), at ang pinaka-glorified na paraan, upang makapag-aral sa unibersidad (bakit?).

Simula na ng UPCAT bukas, at ito’y gaganapin mula Sabado hanggang Linggo sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. At isa itong kalbaryo sa mga estudyante, dahil mahirap talagang makapasok (lalo na kung sa flagship campus mo balak mag-aral (ano iyon?)). Isang beses lang din maaaring kunin ang nasabing pagsusulit.

Ang payo ko sa mga kukuha ng exam bukas: huwag itong masyadong seryosohin.

Siyempre, marami agad ang magsasabing “ang yabang mo naman; porke’t nakapasok ka lang” at ng iba pang mga panlilibak gaya nito sa akin. Ngunit tulad nga ng sinabi ng propesor ko noong nakaraang taon, madali lang ang UPCAT, at ang isyu talaga ay kung tatagal ka rito o hindi.

Tama naman, ‘di ba? Hindi ko sinasabing madali ang UPCAT (dahil ako’y nahirapan din at hindi minamaliit ang UPCAT). Ang punto rito’y kung tatagal ka ba rito ng apat hanggang anim na taon (wala pang MRR diyan) sa kursong iyong napili.

Ang hindi alam ng marami, hindi lahat ng tao sa UP ay matatalino. Isa iyang logical fallacy na kung tawagi’y hasty generalization. Siyempre, hindi naman ata tama ang argumentong ito:

Puro mahihirap ang nag-aaral sa PUP, kasi ₱12 lang ang tuition lang nila roon, at halos lahat ng mga kakilala ko na nag-aral dito ay puro salat sa buhay.

Malamang, magagalit ang mga taga-PUP dito. (Sa mga taga-PUP, kamusta po, at pasensya na sa ehemplong ito.)

Ganoon din ang sa UP. Oo, in general, maraming matatalino rito (kasi the fact na pumasa ka ng UP, ibig sabihi’y may potensiyal ka), ngunit hindi ibig sabihi’y matalino na kaming lahat na nandito. Ako, aminadong sinuwerte lang na makapasok at makapag-aral dito, at hindi pa naman ako ganoon ka-conceited upang ipagyabang ang sarili ko bilang matalino dahil alam kong mas marami pang mas matalino sa akin, tulad ni Mikaela Fudolig ng Physics at Kevin Atienza ng Computer Science. Siguro marami lang alam, ngunit iba ang matalino sa maraming alam. (Kung alam mo kung bakit, malaki-laki na ang tsansa mong makapasa bukas o sa susunod na araw.)

To emphasize: maraming estudyante rito ang nagshi-shift, nade-delay, nagda-drop, nakakakuha ng INC/4.0/5.0, at lumilipat palabas ng ibang eskuwelahan. Mayroon ding nae-expel, at mayroong hindi na talaga nakaka-graduate.

Kumbinsido ka na ba?

At isipin mo: limang oras lang ang pagsusulit (at ilang buwang paghihintay para makita ang resulta), samantalang apat hanggang anim na taon ang gugugulin mo rito para lang matapos mo ang kurso mo. Minimum pa iyon, at assuming na hindi ka maglo-LOA, magshi-shift, made-delay dahil may prereq kang na-singko, at iba pang mga bagay na magpapatagal pang lalo sa stay mo. At marami sila, at ganoon din ka-common.

Kung hindi ka pa rin kumbinsido, prangkahan na: maaaring hindi ka talaga makapasa bukas, o kung makapasa ka ma’y hindi tatagal.

Note na hindi ko naman sinasabing maliitin niyo ang UPCAT, dahil katulad nga ng naisulat kanina, hindi minamaliit ang UPCAT. Maliitin mo na ang ibang exams (NCAE, DOST, etc.), huwag lang ang UPCAT. Ang punto ko lang naman, hindi katapusan ng buhay mo kung hindi ka makapasa, kasi puwede ka namang mag-transfer o kaya mag-cross reg kung gusto mo talagang makapag-aral dito. Tandaang hindi lahat ng successful na tao ay galing ng UP, at hindi rin naman guaranteed na magiging matagumpay ka sa iyong larangan dahil nakapasa’t nakapag-aral ka sa UP, dahil ikaw pa rin ang gagawa niyan (wala pa namang makinang naimbento na kayang lumikom at maglipat ng talino).

Bilang pagtatapos, bibigyan ko ng last minute pointers ang mga kukuha ng pagsusulit bukas at sa Linggo (hindi ito espesyal na pormula para makapasa; mga gasgas na tips ang mga ito na maaaring narinig pa ninyo sa mga nanay na excited masyadong pag-eksaminin ang mga anak nila, o ‘di kaya’y nakasulat sa inyong mga test permits):

  1. Magbasa-basa ng ilang mga libro o mga akda para bukas. Kumbaga, mind refresher. Hindi ko sinasabing mag-cram ka; kung ngayon ka pa lang nag-aaral para bukas, sinasabi ko sa iyong almost zero ang tsansa mong makapasa bukas. Parang periodical exam: hindi umuubra palagi ang cramming.
  2. Matulog nang maaga. Bawal ang late sa test center, at siyempre nakakahiya ring dumating ng late no. Kung makapal talaga ang mukha mong magpa-late, huwag kang magreklamo kung hindi ka nakapasa. Kasalanan mo iyon.
  3. Magdala ng pagkain para sa exam. Bawal lumabas sa test center, kaya kakain ka talaga habang nage-exam. Normal lang yun; lahat naman tayo nagugutom. Huwag mo lang ipagyabang na chicken curry ang ulam mo, tulad ng ginagawa mo sa elementarya o high school. Dapat nga mga biskwet o candy lang ang baon mo. In short, kumain ka, huwag lang magpa-epal.
  4. Huminahon. Walang nagagawa ang nerbyos sa mga exams. Alam na dapat natin iyon.
  5. Huwag mandaya. ‘Di bale nang hindi ka nakapasa sa malinis na paraan, kaysa naman Oblation scholar ka nga pero nangodigo ka naman. Sinasabi ko sa iyo, hindi ka tatagal, at kapag nahuli ka, mapapahiya ka lang.
  6. Huwag taasan ang expectation(s). Hindi porke’t galing ka ng PhiSci ay pasado ka na (though pansin ko lang tambakan ng PhiSci ang UPD). Kung ganyan lang din ang attitude mo, good luck na lang kapag hindi ka nakapasa.
  7. Isiping hindi sa UPCAT nagtatapos ang problema ng isang iskolar ng bayan. Napakaraming problema pang kakaharapin mo pagpasok ng UP: mula sa mahahabang pila hanggang sa pagdedesisyon kung magda-drop ka ba ng asignatura o hindi.

Para sa mga mage-exam, good luck sa inyo, at sana’y napagaan ko kahit papaano ang inyong loob. Gawin niyo lang ang best niyo, at bahala na kung papasa o hindi. (Muli, huwag maliitin ang UPCAT).

Kung hindi mo pa rin naintindihan ang paskil kong ito, huwag ka nang umasang papasa ka.

1 Puna

Filed under Dedications, Events