Category Archives: Fake Stories

UPCAT: Iyon na iyon?

U.P. Diliman (Quezon Hall) - the flagship univ...

Image via Wikipedia

Agosto 6, 2010: Isang espesyal na araw para sa akin. Espesyal dahil ngayon ang pagsusulit ko ng UPCAT, ang prestihiyosong pagsusulit para makapasok sa UP, ang kaisa-isang national university ng Pilipinas kong minamahal. Sa mismong flagship campus ang venue ng aking pagsusulit, kaya naman medyo excited din ako dahil makakapunta ako sa wakas ng Maynila.

Galing ako sa isang payak na pamilya. Magsasaka lamang si ama, samantalang nagtitinda lang ng tinapa at dilis si nanay. Si ate, para makaraos kami sa hirap, ay nagtatrabaho sa Maynila bilang waitress sa Adonis NightClub, at kahit papaano’y napag-aaral naman nila ako. Sana nama’y ayos lang siya roon.

Dalawa lang kami sa pamilya, ngunit dahil sa hirap, hindi nakapag-aral ng kolehiyo si ate. Pero huwag mo siyang mamaniin, dahil matalas din ang hasa ng utak non! Sa tingin ko nga, mas marami pa siyang alam kaysa sa mga senador ng bansa, na kung tutuusin nama’y mga bobs talaga.

Dahil sa kahirapan na sadyang makapit yata talaga sa aming angkan, hindi rin nakapag-aral si tatay noong kapanahunan niya, at si nanay rin dahil hindi naman pinapahalagaan noon ang edukasyon ng mga babae. Ngunit mukhang na-trauma ata sila nanay sa nangyari kay ate, kaya naman ipinangako nila sa akin na pag-aaralin nila ako sa abot ng kanilang makakakaya. Kahit na literal na gumapang na sila sa lupa para lang mapag-aral ako, gagawin nila, anila. Ganoon din si ate dahil ayaw niya ring mangyari sa akin ang nangyari sa kanya, at dahil alam niya ang edukasyon ay isang susi upang maiahon ang pamilya namin sa hirap. Kaya naman sobrang naa-appreciate ko ang kanilang ginagawa para sa akin, at naiintindihan ko rin kung bakit medyo nadidismaya sina tatay (kahit na hindi nila lubos na ipinaparamdam sa akin) kung hindi ako nakakagawa ng mga takdang-aralin at kung mabababa ang aking mga eksamen, o sa mga pagkakataong hindi ako nakakapasok ng eskwela dahil sa sakit o ulan. Mahal na mahal ko sila dahil dito.

Dahil nga mahirap lang kami, hindi ganoon kataas ang kalidad ang aking edukasyon. Hindi ako valedictorian, ngunit proud ako dahil ako ang kauna-unahang estudyante sa buong kasaysayan ng paaralan namin na nakapagtapos ng elementarya’t high school sa loob lamang ng 10 taon. Tuwang-tuwa nga ang mga magulang ko rito, dahil ako raw ang bumago ng kasaysayan.

Kaya naman naisipan ni tatay na pag-iksaminen ako sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang hindi ko alam, nalaman pala ng landlord ni tatay ang tungkol dito. Nasayangan raw siya sa aking talino (kung mayroon nga; sa totoo lang, hindi naman ako matalino), kaya sinabihan niya si tatay na pakuhanin niya ako ng pagsusulit ng eskwelahang nabanggit. Siya na raw ang bahala sa mga gastusin. Naging scholar pa ako nang ‘di oras.

Alam ni tatay ang UP, kaya naman nagduda siya kung kaya ko ba talagang ipasa iyon. Hindi ko masisisi si tatay, dahil hindi naman talaga maganda ang eskwelahan ko. Pero kahit papaano’y binigyan ako ng lakas ng loob ni nanay, dahil ang madalas niyang biro ay “malay mo, makatsamba”. Medyo nakakapikon kasi parang nakakapanliit din, ngunit palihim na nakakatuwa dahil kahit papaano’y may naniniwala pa rin sa kakayahan ko.

Nag-aral naman ako. Ilang ulit kong binasa ang mga textbooks namin ng elementary at high school, mula grade 1 hanggang 4th year. Sa mga hindi nakakaalam, ito lang ata ang mga aklat sa bahay, plus ang napakakapal na Bibliya’t English Dictionary, © 1945, at mangilan-ngilang pocketbooks ni nanay. Medyo boring din naman sa bahay, kaya kung minsan, nagkakaroon ng group study kasi nakikisali si nanay at tatay sa mga pagbabasa ko.

May suporta rin naman si ate, kasi siya na raw ang maglalakad ng application forms at sagot niya ang pamasahe namin. Siya na rin daw ang bahala sa lunch, na napagkasunduang sa McDonalds diyan sa Philcoa, para raw malapit.

Marahil nagtataka kayo kung bakit parang may isang taon nang nakalipas bago ako mag-apply para sa nasabing pagsusulit. Pagkatapos ng aking high school, ginawa ko ang tradisyunal nang ginagawa ng mga pamilya rito sa aming probinsiya: ang tumulong sa mga tatay nila upang magsaka sa sakahan ng aming pamosong landlord. Ang laki kasi; nasukat ko nga bilang 500 ektarya, 5° slope (average) nang nag-survey ako minsan. Kaya naman parang hindi pa sapat ang populasyon ng mga magsasaka sa amin upang matamnan ito nang mainam. Medyo pressure nga ito sa akin kasi marami-rami na rin akong nakalimutan sa panahon na umepal si landlord tungkol dito. (Marahil siguro dahil nakaka-sampung taon na rin ang anak niya sa high school, at hanggang ngayo’y nag-aaral pa rin doon.)

Lumipas ang mga buwan, hanggang sa dumating ang araw ngayon. Alas-dos pa lang ng madaling araw ay lumuwas na kami patungong Maynila, sakay ng kaisa-isang bus na dumadaan sa aming payak na probinsiya. Ang ganda nga ng slogan: “Farm Bus: babaybain pati langit”. Nakakatuwa, dahil galing kami sa farm, bus ito, at gusto ko rin namang baybayin ang langit.

Dumating kami ng Philcoa nang ikalima nang umaga, at sinalubong kami roon ni ate upang mag-almusal muna. Siyempre, natuwa naman kami dahil kauna-unahang beses namin iyong makapasok at makakain sa McDonald’s. Nakakalula nga lang ang presyo, kasi sa amin, ginto na ang ₱50 sa isang kainan. Medyo nagalit nga si nanay dahil parang ang posh naman daw nitong mga pagkain dito, ngunit nakumbinsi rin kami ni ate na dito na lang kumain dahil ganito raw talaga ang presyuhan ng mga pagkain dito sa kalakhang Maynila.

Pagkatapos kumain, diretso na ang buong pamilya sa campus ng UP Diliman. Nakakatuwa, dahil ang ganda ng paligid. Parang sa probinsiya rin, dahil makakakita ka ng mga batang namamalimos o namumulot ng mga botelya, kaya hindi masyadong nakakailang. Marami nga lang de-kotse, kaya napa-wow pa rin kami. Lalo na si tatay, na matagal nang pangarap magkaroon ng sariling behikulo, kahit na kuliglig lang.

Nag-umpisa ang eksamen nang alas-sais, at bago noon ipinagdasal muna ako ng pamilya namin na sana’y makapasa. Mukha ngang prayer vigil ang nangyari, kasi may kandila talaga si nanay! Pero mukhang kebs lang ang mga tao; tumitingin pero hindi naman namamansin. Kala siguro pinagdadasal naming magkaroon ng world peace.

Malamig sa loob ng Engineering Theatre. Malaki, pero malamig! Unang beses kong pumasok dito, at napahanga rin sila nanay sa laki at lamig ng silid. Pagkatapos, pinalabas na ang mga magulang para simulan na ang pagsusulit.

Nakakakaba ang exam, kasi nabasa ko ang blog entry na ito kahapon. Kung ano-ano ang sinasabi ng may-akda: medyo mahirap ang exam, huwag mag-cram, at iba pa. Nasunod ko naman kahit kahapon ko lang nabasa, ngunit isa lang ata ang naging tamang salaysay sa blog entry na iyon.

Huwag seryosohin ang UPCAT.

Kala ko nga, bangag yung nagsulat na pilit nagpapatawa. Medyo ninerbiyos nga kami ng pamilya ko kahapon dahil dito (pina-print ko kaya nila nabasa). Pero ayos na rin kasi hindi ako naging masyadong kampante sa aking sarili (na kung tutuusi’y wala naman akong karapatang gawin, dahil nga wenks lang ang pinanggalingan kong paaralan).

Sabi sa exam sheet, right minus 1/3 wrong daw ang exam, kaya medyo nakakakaba bago ko tingnan ang mga tanong. Kaya naman hawak ang aking trusty mongol 2 pencil (na bigay ni tatay; napulot daw niya noong giyera) at binuklat ang questionnaire booklet.

Anak ng tipaklong! Ang dali ng mga tanong! Noong una’y inisip ko baka nagkamali sila ng ibinigay sa akin, kaya tawag ako ng assistant para i-confirm na iyon na nga ba talaga iyon. Siyempre, pasimpleng tanong na “may nawawalang pahina po ata” (na mayroon nga) para hindi mukhang mayabang. Pero yun na nga iyon! Anak ng tokwa naman.

Akala ko pa naman, mahirap ang exam, kasi sabi nga sa blog entry sa taas na huwag maliitin ang UPCAT, mahirap makapasok sa UP, blah blah blah. E parang ewan nga lang! Mas mahirap pa nga ata ang NCAE kaysa rito (kumuha ako kasi required; pang-clerical work lang daw ako (kaya rin ako nagsaka na lang pagkatapos grumadweyt)). Ewan. Nakakatakot nga na baka mock exam lang ang kinuha ko, pero bakas sa mukha ng ibang mga estudyante na nahihirapan sila, kaya siguro ito na nga talaga iyon.

Limang oras ang nakalaan sa pagsasagot; natapos ko ito sa loob ng apat na oras. Kaya naman sinulit ko na lang ang malamig na kapaligiran, at umidlip sandali. Sa katunayan, medyo napasarap ang tulog ko at ginising pa ako ng proctor pagkatapos ng pagsusulit. Idinahilan ko na lamang na medyo puyat ako at pagod, at humingi ng pasensiya sa nangyari.

Lumabas ako ng theatre (theatre nga talaga siya kasi ang sarap tulugan, tulad ng ginagawa ng mga tao sa mga concerto) at hinanap ang aking pamilya. Nakita ko naman sila at sinalubong nila ako. Tinanong nila kung sobrang hirap ba, kasi ako pala ang pinakahuling lumabas doon. Sabi ko na lang medyo. Hindi ko sinabing madali’t nakatulog ako dahil baka naman isipin nilang masyado akong mayabang.

Pagkatapos noon, nagtanghalian kami’t lumibot pa sa buong unibersidad. Malaki nga ito talaga, mas malaki pa sa sakahan ng landlord namin sa Pampanga. Gusto ko nga sanang i-survey, kaso diyahe kasi hindi ko nadala ang mga kagamitan ko.

Marami na namang pumapasok na sasakyan sa campus kasi malapit nang magsimula ang ikalawang batch ng mga magsusulit ngayong araw. Good luck sa kanila, at sana’y madalian din sila tulad ng nangyari sa akin.

Tandaan: Madali lang ang UPCAT. Sabi nga nung blog entry, huwag seryosohin: nakamamatay.

Ewan ko na lang talaga kung hindi pa ako makapasa.

3 mga puna

Filed under Fake Stories